Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (huling yugto)

(Photo courtesy of Tin Tinio)

Dahil isa ako sa mga huling dumating sa tuktok ng Mt. Iglit, hindi matagal ang nilagi ko doon.  Matapos ang kaunting pahinga, pagdasal, at pagkuha ng mga litrato (wala pang 30 minutos) nagpasya na ang grupo na simulan na ang pagbaba.

Us guys doing the “lion” pose at the summit. (Photo courtesy of Tin Tinio)

ANG PAGBABA

(Photo courtesy of Tin Tinio)

Dahil matarik nga ang bandang tuktok, mabagal ang naging progreso namin.  Yung iba sa amin na bihasa sa pag-akyat-baba ng bundok ay nauna na at mabilis ang kanilang progreso.  Ngunit kaming mga hind-gaanong bihasa ay kinailangang bumaba ng paupo upang hindi mawalan ng balanse at makaiwas sa disgrasya.

(Photo courtesy of Vernz Fabroa)

Gayunpaman, meron pa ring maliliit na sakuna na nangyari.  Sa aming pagbaba ng paupo, hindi maiiwasang lumuwag ang lupa na dinadaanan namin at may malaglag na mga bato na maaaring tumama sa mga nauuna sa baba.  Sa katunayan, si Tin ay tinamaan sa likod ng isang ga-kamao na bato.  Kung napa-mura man siya nun ay hindi namin narinig.  (Dito nauso yung biruan na, “Bato, bato, bato!”)

Sa pagkakataong ito, ako na naman ang isa sa mga nasa hulihan ng grupo.  Ang mga kasama ko ay sila Allan at Cathy, at ang mga naatasang sweeper na sina Erwin at Harrie.  Ewan ko ba, pero parang ang bilis nakababa ng iba, at naiwan kaming lima sa trail.  Gustuhin ko mang bilisan ang pagbaba ko, talagang sadyang mahirap itong gawin dahil tila sa bawat apak ko ay kailangan kong pagbutihin ang aking balanse.  Hindi rin nakatulong na parag walang trail sa dinadaanan namin kung kaya’t hindi kami sigurado kung saan kami dapat umapak.

(Photo courtesy of Tin Tinio)

At ayun, nadulas at bumagsak ako.  Unang beses.  At sinundan pa ng sampu yata.  Hindi ko na mabilang sa dami.  Maliban sa akin ay nadulas din sila Cathy, Harrie at si Big Boy Allan, na bahagyang nauuna sa amin.  Sa bawat pagdulas at pagbagsak ay di ko maiwasang magmura at mainis.  Inis dahil nababagalan ako sa aking sarili at kung titingnan ko ang dadaanan ko ay napakalayo ko pa sa baba ng bundok.  Kung noong una ay nagagandahan ako sa tanawin na nakikita ko, ‘di kalaunan ay naaasar na ako dahil tila hindi nagbabago ang tanawin.  Malayo pa rin ako sa dapat na kinaroroonan ko noong oras na iyon.

The “unchanging” view on the way down.

Bagamat maulap pa rin ay sadyang napakainit na dahil tanghaling tapat na nung oras na iyon. Paubos na rin ang aming mga dalang tubig at matagal pa bago namin maabot yung batis na nauna naming nadaanan nung paakyat. Kung pwede lang sanang magpagulung-gulong na lang hanggang makarating sa baba ay gagawin ko.

(Photo courtesy of Herbert Lapuz)

(Photo courtesy of Vernz Fabroa)

Sa wakas nakaabot rin kami sa batis sa pagitan ng dalawang bangin.  Dahil sobrang uhaw na kami, hindi na namin inalala kung malinis ba o hindi ang tubig sa batis.  Basta sumalok na lang kami ng tubig gamit ang dala naming mga plastik na bote na matagal nang walang laman. Pagkasalok ay inom agad.  Napakasarap ng tubig nung mga sandaling iyon, at may kalamigan pa kaya nakakapawi talaga ng uhaw.  Saka na namin aalalahanin ang anumang mikrobyo na maaaring nainom din namin kasama ng tubig.

Pagkatapos ang sandaling pagpapahinga at pag-inom ng tubig, kinailangan pa naming akyatin ang kabilang bangin, pero pagkatapos nun ay medyo madali na ang trail pabalik sa Station 2.  Naabutan din namin ang ilan sa mga nauna – sila TIn, Vernz, Des, etc. na huminto pansamantala upang hintayin kami dahil hindi nila alam ang tamang daan pabalik.  Sabay-sabay kaming dumating sa kampo na pagud na pagod at gutom na rin.

SANDALING TANGHALIAN

(Photo courtesy of Tin Tinio)

Pagdating namin sa Station 2 ay tanghali-pasado na.  Buti ay nasimulan na ang pagluto ng tanghalian (dahil na rin hindi tumuloy ng pag-akyat sa tuktok si Dario at siya ang natokang magluto.)  Dahil gipit kami sa oras, kakaunting sandali lang ang nilaan para kami ay kumain at magpahinga ng konti bago kami tumahak uli pabalik sa Barangay Poypoy, kung saan kami nagsimula isang araw na ang nakalipas.

Dario, the ever-reliable mountain cook. (Photo courtesy of Aleli Umagat)

Habang kumakain ng tanghalian, nagkaroon pa kami ng oras na magkuwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay na walang kinalaman sa bundok (Halimbawa: Hunger Games, Neil Gaiman, Sandman, Game of Thrones, atbp.).  Hindi na ako kumain ng marami dahil ayokong masyadong mahirapan sa pagbaba ng bundok, pero marami-rami din akong nainom na tubig.

Pagkatapos kumain, nagmadali na kaming ligpitin ang mga gamit namin at tent upang makapagsimula nang umalis.  Wala nang panahon upang magpahinga at magpatunaw ng kinain.  Upang may makaabot sa Barangay Poypoy kung saan kami susunduin ng jeepney, nauna nang umalis ang kalahati ng grupo namin.  Halos walang nabawas sa bigat ng aking backpack.  Andun pa kasi ang 2 kilo ng bigas na naatasang ipadala sa akin.  Hindi pa nabawasan dahil naunang lutuin yung dala ng iba.  (Sana pala ay iniwan ko na lang yun sa bahay ng barangay captain.)

ANG HULING KALBARYO PABALIK

(Photo courtesy of Aleli Umagat)

Mga 2 pm na rin yata nung umalis kami.  Medyo kinabahan ako nung nagsimula na kaming tumahak dahil nabibigatan talaga ako sa backpack ko.  Pero dahil nandun na rin lang kami, pinanindigan ko na.  Kaming lima uli ang magkakasama na nahuli – ako, Cathy, Allan, Erwin at Harrie.  Medyo nainggit ako kay Allan dahil bagaman mukhang magkasing-timbang lang ang backpack namin, meron siyang dalang pang-tukod na makakatulong sa kanyang pagbalanse.  Inasahan ko nang ilang beses uli ako madudulas at babagsak.  Sana lang ay hindi umulan para umabot kami sa lugar ng sunduan ng may araw pa.

Ang nagpahirap sa kahabaan ng trail mula Station 2 pabalik sa Barangay Poypoy ay ang paulit-ulit na pagtaas-baba ng trail.  Wala punto sa pagtahak pabalik na naramdaman kong nabawasan ang aking paghihirap, kahit man lang sa isipan.  Parang umaakyat rin lang uli ang pakiramdam ko.  At dahil na rin siguro sa pag-inom ko ng maraming tubig bawat hinto namin, mas mabilis akong napagod. Kahit hindi magandang gawain ang umupo habang nagpapahinga sa gitna ng climb, hindi ko naiwasang gawin yun dahil ang mismong pagtayo lang ay nakakapagod na rin.)  Hirap nang gumalaw ang mga hita at binti ko.  Pati ang balikat ko ay sumasakit na dahil sa bigat ng backpack ko.

[Kung mapapansin niyo, wala na gaanong mga litrato sa bahaging ito ng blog.  Yun ay dahil sa kagustuhang makabalik na at magpahinga, wala nang nag-isip pang magkuhaan ng litrato.]

May mga pagkakataon na, yun na nga, madudulas ako at babagsak.  Ngunit ang higit na mas masakit ay kung mararamdaman kong matutuklap ang kuko ng daliri ng aking paa dahil sa isang maling hakbang.  Kakaibang kirot at hapdi tuwing makakaranas ako ng ganun.  Pero sa pagkakataong ito, naramdaman kong ang buong kuko ang natuklap at totoo namang napasigaw at napamura ako sa tindi ng sakit.  Gayunpaman, kailangang magpatuloy at pinilit ko na lang na balewalain ang anumang sakit.

Umabot kami sa tawiran ng mga ilog, at salamat naman dahil hindi ako nahulog sa tubig o nasakuna.  Nag-aalala ako dito sa bahaging ito dahil bukod sa napakabigat ng aking backpack, hindi rin balanse ang bigat nito, kung kaya’t merong panganib na mawalan ako ng balanse.  Pagkatapos ng pangatlong pagtawid namin ng walang masamang nangyari, bahagyang nakahinga ako ng maluwag.

Ngunit malayo pa ang dulo ng trail.  Sa tinagal ng pagtahak namin, parang wala na itong katapusan at kung anu-ano na lang ang sinasabi ko upang pilitin ang sarili ko na magpatuloy.  Minsan magdadasal ako, minsan kakausapin ko sarili ko, at minsan din ay nagrereklamo na rin ako ng pabulong.  Hindi ko na pinapansin ang kapaligiran.  Sa harap na lang ako lagi nakatingin.  Wala na ring nagsasalita sa mga kasabay ko.  Si Allan ay madalas nauuna sa amin at paminsan-minsan ay naabutan namin kung nagpapahinga siya.  Si Harrie naman ay tuluyan nang nauna sa amin upang habulin ang naunang grupo.

Nakakainis yung mga sandaling nagiging pamilyar na ang mga tanawin at naniniwala na kaong malapit na ang Sitio Tamisan, pero sa kung anumang dahilan, ang tagal pa bago namin maabot.  Maya-maya’y nagdadapit-hapon na at nagsimula na akong mag-alala dahil si Erwin lang yata ang merong flashlight sa amin.  Sa isang punto, meron kaming nakasalubong na kalabaw na akala namin ay tamaraw, yun pala ay hindi.

ERWIN CLAVER: BAYANI

(Photo courtesy of Erwin Claver)

Gabi na noong umabot kami sa Sitio Tamisan.  Sandali kaming naligaw bago makarating sa mismong sitio dahil hindi na namin makita ang trail sa dilim.  Noong nakarating na kami, ang una kong pinuntahan ay ang gripo kung saan kumukuha ng tubig ang mga Mangyan.  Meron pa ngang naliligo na mga Mangyan doon nung dumating ako.  Kinapalan ko na ang mukha ko at nakiusap na hayaan muna akong kumuha ng tubig na maiinom dahil sobrang uhaw at pagod na ako.  Mukha namang naawa sa akin yung mga Mangyan at pinagbigyan nila ako.

Pagkatapos kong uminom, di ko maiwasang lumuhod at tuluyang tumaob sa lupa.  Wala kasing upuan at hindi ko na rin matanggal ang backpack ko kung kaya’t tumaob lang ako sa lupa ng ilang minuto.  Tinanong ako ni Erwin kung kaya ko pa, pero hindi ko na maalala ang sinagot ko.  Parang ayaw ko nang bumangon noon dahil ang buong katawan ko ay nagpro-protesta na.  Ngunit malayo-layo pa kami sa Barangay Poypoy kung kaya’t pinilit ko ang sarili kong tumayo at maglakad matapos naming magpahinga.

Mabuti ay kabilugan ng buwan nung gabing iyon kung kaya’t hindi naging problema na wala akong flashlight.  Malapad na rin ang trail pagkatapos ng Sitio Tamisan kung kaya’t kitang kita ito sa liwanag ng buwan.  Maingay na ang mga kuliglig at mga tuko nung gabing iyon, at kung hindi lang ako sobrang pagod ay magagandahan ako sa nakikita at naririnig ko nung gabing iyon.

Napansin ni Erwin na parang malapit na akong himatayin sa pagod kung kaya’t kahit hindi pa kami nakakalayo sa Sitio Tamisan ay nagpasiya siyang huminto uli kami at magpahinga.  Nahihiya na ako kay Erwin at Cathy nun dahil pakiramdam ko na ako lang ang nagpapatagal sa kanila.  At lalo akong nahiya nung inalok ako ni Erwin na magpalit kami ng backpack dahil nakita niyang sobrang nabibigatan na ako sa dala ko.

Parang ganito na ang hitsura ko noong gabing iyon.

Dahil wala na akong lakas para tumanggi, tinanggap ko ang kanyang alok.  Bagamat pagod na pagod pa rin ako, malaking tulong din ang mas magaan na backpack ni Erwin sa akin.  Siya mismo ay napansin niyang mabigat masyado ang backpack ko.

Noong umabot kami sa may bandang sapa, naabutan namin doon si Allan, na hindi tumuloy dahil hindi niya makita ang daan papunta sa kabila.  Madali lang kung tutuusin na tawirin ang sapa na ito ngunit ibang-iba ang hitsura niya sa gabi at mahirap makita ang dadaanan dahil sa matataas na talahib.  Ako naman, ang buong akala ko ay nasa kabilang banda lang ang mga kasamahan namin kung kaya’t hipan ako ng hipan sa silbato sa paniniwalang may makakarinig sa amin.  Noon lang pagkatawid namin nung nahanap namin ang daan na napagtanto ko na malayo-layo pa ang lalakarin namin.

Ngunit ang pagtawid na iyon ang siyang pinaka-huling balakid.  Mula noon ay patag na ang daan at naaaninag na namin ang mga ilaw ng ilang bahay sa pupuntahan namin.  Ilang sandali pa ay tanaw na namin ang jeepney kung saan nakasakay na ang mga kasamahan namin at hinihintay na kami.  Nang sa wakas ay narating din namin ang jeepney ay natulala na ako at hindi na gaanong kumibo habang umakyat paakyat sa loob ng jeepney para pumwesto.

Grabe.  Itong Mt. Iglit na ang bundok na nagpahirap sa akin ng lubos.  Salamat at nakaraos rin.

= = = = = = = = = =

At diyan nagtapos ang penitencia namin ng Viernes Santo.

= = = = = = = = = = = = = = = = = = = =

This entry is part of the Holy Week 2012 series dated April 5-8, 2012:

1. Preview: The Trail to Mt. Iglit
2. Holy Week 2012: Prologue
3. Holy Week 2012: Sitio Tamisan Outreach
4. Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (unang yugto)
5. Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (ikalawang yugto)
6. Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (huling yugto)
7. Holy Week 2012: Apo Reef (Day 1)
8. Holy Week 2012: Apo Reef (Day 2) and Pandan Island

5 thoughts on “Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (huling yugto)

  1. Napamura nga ako nun ng malutong na kung narinig ng nanay ko ay siguradong nahugasan na ng Zonrox ang aking dila.😛 Ansakit eh, direct hit sa back bone. Pero panalo ang narrative mo, Chito. Hagalpak ako ng tawa sa piktyur nung nagpipinitensiya. Lupet!

  2. Wow galing ng narration mo Chito!!! Though narandaman ko ang naramdaman mo, medyo na relax na ako pababa, despite muntik na akong naligaw dahil kasabay ko ang mga hardcore noon at naiwan nila ako along the trail but I managed to arrive in the hanging bridge… Mas malala pa cguro ang mararamdaman ko kesa sa’yo kung tinuloy ko na mag summit…
    Dun pala sa bandang may sapa muntik na akong masubsob kundi lang ako nakahawak sa mga talahiban sa sobrang pagod rin at exhaustion. Mahirap na ihakbang ang aking mga paa…

  3. sir Chito, ang gaganda ng pictures!

    ang laki pala ng na-missed ko sa pag-cancel ko sa pagsama sa “27 Lives, One Goal” isang Charity Climb para sa mga forest ranger sa Iglit (buntis kc si misis that time).

    ang ganda talaga,salamat sa mga pictures, sana makarating na itong Tamaraw na ito sa Iglit.

Comments?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s