Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (ikalawang yugto)

Viernes Santo na.  Gumising kami ng mga 4am para makapag-almusal at makapag-handa sa aming summit assault sa Mt. Iglit.  Hindi pa malamig nang natulog kami nung nakaraang gabi, pero sa oras ng pag-gising namin ay maginaw na.  Ang una kong ginawa ay nagbihis sa loob ng tent ko ng pang-akyat ng bundok.  At dahil malapit nang mamatay ang baterya ng flashlight ko, yung BlackBerry na lang ang ginamit kong ilaw.

SUMMIT ASSAULT

Pagkalabas ko ng tent, dala ko na ang tumbler, tinapay, Reno at 3-in-1 Nescafe ko at naghanap ng mainit na tubig at ng mapupuwestuhan para mag-agahan.  Doon sa may tinutulugan ng mga taga-DENR ako nag-almusal, at andun na rin sila Fred, Ed, saka si Allan (na balut na balot at nanginginig sa ginaw.)  Ilang sandali pa ay nag-tipon na kami para sa huling mga paalala at pagdasal bago mag-summit assault.  Madilim pa nun, pero maaaninag mo na malapit na mag-bukang-liwayway, kung kaya naman si Jet ay naiinip na rin at humihirit na kailangan nang magsimula.

Summit assault started before sunrise. (Photo courtesy of Aleli Umagat)

The impending sunrise looming in the horizon. (Photo courtesy of Herbert Lapuz)

At yun na nga, nagsimula na kami.  Dahil ganado pa ako nun, nangunguna pa ako sa grupo.  Ang tanging mga nauuna lang sa akin ay yung guide namin at si Bert.  Alam ko kasi na sa bandang huli ako rin ang maiiwan, kung kaya’t sinikap ko nang mauna hanggang kaya ko pa.  Nakatulong rin yung hindi ako naglalabas ng camera nung simula kung kaya’t tuluy-tuloy lang ang paglakad ko.  Kadalasan kasi yung paghinto para mag-picture-picture ang nagpapatagal.  Eh DSLR pa ang camera ko (na sira ang autofocus) kaya magtatagal talaga kung kukuha pa ako ng mga litrato.

(Photo courtesy of Kristine Tinio)

Aleli doing an early jump shot. (Photo courtesy of Vernz Fabroa)

Bert and Romwel clowning around early in the trail. (Photo courtesy of Herbert Lapuz)

Pagkalabas namin sa lugar ng Station 2, halos wala ka nang makikitang puno hanggang sa tuktok ng bundok.  Walang problema habang hindi pa sumisikat ang araw, pero kung magiging kasing-init ng Biyernes na ito ang nakaraang araw, mukhang mahihirapan kami ng lubos.

ANG MT. IGLIT

Sa unang bahagi ng trail, hindi pa naman mahirap kasi medyo patag pa, at hindi kumplikado ang terrain.  At dahil tag-araw nung panahon na iyon, hindi rin maputik ang lupa.  Pero alam naming mas hihirap pa iyon pagdating namin sa mismong pinaka-bundok dahil mas magiging matarik na ang dadaanan.

Ayon sa Pinoy Mountaineer, ang Mt. Iglit ay isang “Difficult” na pag-akyat at may antas na 6/9 ayon sa pagsusukat ng website na iyon.  Ngayon, inaamin ko na hindi ko gaanong sineryoso yung nakasaad sa website nung una kong binasa yun, kaya hindi ako gaano nakapag-kundisyon ng katawan (maliban sa regular kong page-ehersisyo.)  Mas na-enganyo ako sa posibilidad na baka makakita kami ng mga Tamaraw.

Ang Tamaraw ay hayop na mukhang kalabaw, pero mas maliit at mas mapusok.  Ang mga sungay nito ay parang “V” sa ibabaw ng ulo, ‘di gaya ng sa kalabaw na palabas sa magkabilang gilid ng ulo ang pagtubo.  Napaka-konti na lang ng Tamaraw dahil sa patuloy na panghihimasok ng mga tao sa mga dati nitong teritoryo.  Noong sinaunang panahon (bago dumating ang mga Kastila), matatagpuan sila sa kahit saang bahagi ng pulo ng Mindoro.  Ngayon, ang Mts. Iglit-Baco National Park na lang ang isa sa mga ilang lugar kung saan matatagpuan ang mga hayop na ito.  At kahit dito ay mailap sila at hindi basta-bastang nagpapakita sa mga tao.  Swertihan din ang makakita ng Tamaraw dito.

(Photo courtesy of Jet Reyes.)

Sa simula, hindi ko mauunawaan kung bakit “Difficult” ang antas ng bundok na ito, pero di kalaunan, nalaman mo rin kung bakit.  Ang unang mahirap na bahagi ng summit assault ay nung dumating kami sa punto na kinailangan naming bumaba sa isang napaka-tarik na bangin upang makarating sa kabilang banda kung saan magpapatuloy ang daan papunta sa tuktok ng bundok.  Yung totoong daan pababa ay mukhang mapanganib at maluwag ang lupa, kung kaya’t karamihan sa amin ay nag-alinlangan.

Descending the dangerously steep gorge. (Photo courtesy of Vernz Fabroa.)

Location of the steep gorge encircled in yellow.

Resting after crossing the gorge.

Mabuti na lang at merong nakitang alternatibong daan ang guide namin na hindi kasing-tarik ng nauna.  Nahirapan pa rin kaming bumaba nun, pero hindi na kasing-panganib.  Merong batis sa pinaka-baba ng bangin at umapak kami sa mga bato para hindi kami mabasa papaunta sa pagpapatuloy ng trail.  Dito ako unang bumagsak dahil kumapit ako sa isang tuyong sanga na hindi pala naka-kabit sa puno o halaman, kaya nawalan ako ng balanse.  Mabuti naman at hindi ako naumpog o napilayan.

(Photo courtesy of Erwin Claver)

(Photo courtesy of Vernz Fabroa)

(Photo courtesy of Vernz Fabroa)

Pagkadating namin sa kabila, nagpahinga muna ang karamihan habang hinihintay yung iba na makarating.  Medyo matagal kaming naghintay sa lugar na iyon dahil na rin sa pagkuha ng mga litrato.  Yung iba naman kagaya nila hardcore Tin ay patuloy na tumahak kasama ng guide paakyat sa tuktok.

ANG SIMULA NG KALBARYO

(Photo courtesy of Jet Reyes)

Mula sa puntong iyon, puro paakyat na ang trail, at patarik na ng patarik.  Matagal nang nawala ang ginaw ng madaling-araw at dahil unti-unti nang tumataas ang araw, uminit na rin ang kapaligiran.  Nadiskubre din namin na ang terrain ng Mt. Iglit ay kakaiba sa mga nakaraang bundok na inakyat namin.  Maluwag ang lupa, hindi ito compact.  Ang mismong kayarian o komposisyon ng lupa ay parang mabuhangin at maabo at madaling madurog konting sagi mo lang.  Dahil dito madaling madulas sa trail lalo na kung matarik dahil hindi kumakapit basta-basta ang sapatos.  Mahirap akyatin, pero mas mahirap pababa (at madidiskubre namin ito pag pababa na kami mula sa tuktok.)

(Photo courtesy of Jet Reyes)

(Photo courtesy of Jet Reyes)

“Are we there yet?” A visibly tired Madz. (Photo courtesy of Jet Reyes)

Hindi na maiwasang magpahinga tuwing merong patag na bahagi o kung merong nakausling bato na nagbibigay ng lilim.  Gaya nung nakaraang araw, iba-iba ang ginawa ng mga tao tuwing nagpapahinga.

Merong mga nakaupo lang at malayo ang tingin…

(Photo courtesy of Herbert Lapuz)

May mga nag-posing sa camera habang nakaupo…

(Photo courtesy of Vernz Fabroa)

At meron ding mga nagkunwaring naabot na ang summit…

(Photo courtesy of Aleli Umagat)

Sa bawat paghinto para magpahinga, iinom ng konting tubig, kakain ng Jellyace, at kukuha ng mga litrato.  Pagkatapos nun ay kayod na naman.  Mabuti naman at maya’t-maya ay merong mga ulap na magbibigay ng lilim, kung kaya’t nababawasan ang init kahit sandali lang.  Pero sa pangkalahatan, ay mainit pa rin.

(Photo courtesy of Fred Tuberon)

Ramdam ko na rin na parang bumibigat na ang mga hita at binti ko.  Gusto kong magpatuloy at bilisan ang pagtahak pero animo’y parang ayaw na lang talaga gumalaw ng mabilis ng mga paa ko (kahit na ang isip ko ay alerto pa rin.)

Minsan makikita ko ang mga nauuna sa akin sa trail.  Yung mga nasa pinaka-unahan ng hanay ay ga-tuldok na lang sa laki, at kung hindi pa makulay ang pananamit nila ay hindi ko na talaga makikita sa layo.

Tumitingin din ako sa mga naiwan ko.  Hindi sila kasing-layo ng mga nasa pinaka-unahan ng hanay …marahil dahil isa na rin ako sa mga nahuhuli at konti lang ang mga naiwan ko kung ikukumpara sa mga nauna sa akin.  Ang dalawa kong kasabay ay sina Aleli at Cathy.  Nagsasalit-salitan lang kaming tatlo.  Minsan ako mauuna, minsan sila.  Hanggang sa pinaka-tuktok kaming tatlo ang medyo magkakasabay.

MANGIBOK RIDGE

Sa kalagitnaan ng pag-akyat at narating namin ang Mangibok Ridge.  Ang salitang “mangibok” ay nangangahulugang “matarik” sa wika ng isang tribu ng Mangyan, at yun mismo ang tawag nila sa kabuuhan ng Mt. Iglit.  Pero sa modernong paggamit, ang “Mangibok” ngayon ang ang binigay na pangalan sa galugod na ito sa Mt. Iglit.

Hardcore Tin posing with the ridge at the background. (Photo courtesy of Jet Reyes)

Mapanganib ang Mangibok Ridge dahil ayon din sa Pinoy Mountaineer ay meron nang mga namatay dito.  Ang daan patungo sa tuktok ng bundok ay dumadaan sa mismong talim ng galugod, at ang sinumang masawimpalad na mahulog sa magkabilang gilid ay tiyak na mamamatay.  (Kita niyo naman siguro sa mga litrato kung gaano kataas at katarik ang galugod.)

Sa palagay ko ay higit na mapanganib ang lugar na ito sa panahon ng tag-ulan dahil mas madaling madulas ang sinumang tumatahak sa talim.  Madali ding isawalang-bahala ang panganib dahil sa pagod at sa kagustuhang makakuha ng magagandang litrato (dahil maganda ang tanawin sa lugar na ito.).  Napaka-kitid ng daan sa talim at kung may dalawang taong naglalakad pasalubong ay kailangang nilang magbigayan upang makadaan.

Nung nandito ako sa lugar na ito ay medyo hindi ko gaano naisaisip ang panganib dahil hapong-hapo na ako nun.  Kung kaya’t lakad lang ako ng lakad sa talim.  Saka lang ako kinabahan nung nakita ko na ang mga litrato namin ng Mangibok.  Totoo palang nakapangingilabot kung titingnan mo sa mas malawak na anggulo.  Swerte ko na rin na walang disgrasya na nangyari sa akin sa kabila ng kakulangan ko ng pag-iingat.

Leaving the ridge behind. (Photo courtesy of Aleli Umagat)

Sa puntong ito ay merong ilan sa amin na hindi na tumuloy papunta sa tuktok dahil sa tingin nila ay hindi na nila kayang magpatuloy pa.  Mula kasi sa Mangibok Ridge ay makikitang napakataas pa ng tuktok.  Ang mga umatras ay sila Dario, Fred at Debby.  Si Allan ay parang gusto nang umayaw, pero nagawa ni Erwin na kumbinsihin siya na magpatuloy.

ANG TUKTOK

(Photo courtesy of Vernz Fabroa)

Mapanlinlang ang Mt. Iglit.  Merong bahagi na akala mo yun na ang tuktok, pero pagkarating mo ay madidiskubre mo na hindi pa pala, at ang tunay na tuktok ay mas mataas pa sa gusali ang layo.  Sa mga “false summit” na ito muntik nang sumuko rin sila Yan, Madz at iba pa, per buti ay nagbago ang kanilang isip at nagpatuloy na rin bago kami umabot sa kinaroroonan nila.

Habang papalapit na ang tuktok, higit na matarik na ang trail.  Kailangan nang gamitan ng kamay ang pagkapit sa lupa upang mas makapag-balanse ng maigi at para tulungan na rin ang pagud na pagod na mga paa sa pag-usad.  Sa isang bahagi, merong mga malalaking bato na parang mismong nakaharang sa dadaanan… at hindi mo rin naman pwedeng ikutan dahil bangin na ang gilid, kung kaya’t mapapa-akap ka sa bato para hindi mahulog.

Pagkatapos nun ay tanaw na tanaw na ang tunay na tuktok ng Mt. Iglit, at nakikita ko na rin ang mga kasamahan kong nauna na kumakaway sa aming mga nahuli.  Parang kasing-bigat na ng sako ng bigas ang mga binti ko at kahit gusto ko nang tumakbo papunta sa kanila, napakabagal ko pa rin dahil buong katawan ko ay napro-protesta na.  Pero sa wakas umabot rin ako.  At ito ang nakita ko sa taas:

Buong akala namin ay doon na natapos ang paghihirap namin.  Ngunit hindi pa tapos ang penitensiya at wala kaming malay na ang pagbaba ay higit na mas mahirap pa pala.

Next: Bato! Bato! Bato!

= = = = = = = = = = = = = = = = = = = =

This entry is part of the Holy Week 2012 series dated April 5-8, 2012:

1. Preview: The Trail to Mt. Iglit
2. Holy Week 2012: Prologue
3. Holy Week 2012: Sitio Tamisan Outreach
4. Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (unang yugto)
5. Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (ikalawang yugto)
6. Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (huling yugto)
7. Holy Week 2012: Apo Reef (Day 1)
8. Holy Week 2012: Apo Reef (Day 2) and Pandan Island

10 thoughts on “Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (ikalawang yugto)

  1. Ako talaga yung nainip ano? hehehe like everyone else, nakakamiss ang ganda ng bundok na ito. Balik tayo! (which reminds me that I have yet to write our 2nd and 3rd day at Apo tsk tsk tsk :D)

      • Iniisip ko pa rin na makabalik ako dito sa bundok na eto, para makapag-summit lang. D pa rin ako fulfilled hangga’t d ako nakaka summit sa bundok na eto.
        Babalikan kita Iglit pag naging hardcore na ako kagaya ni Tin… hahaha :-)

  2. Sa totoo lang, ngayon lang ako nagbasa ng blog post mo na nakasulat sa Tagalog. Mas intindi ko ang bawat hibla ng mga salita, ang bawat bulwak ng mga konting patawa. Subalit, lalo lamang akong nanghina sa pagkasabik sa pag-akyat ngayong naririto ako sa isang lugar na bihira ang matataas na porma ng lupa.

    Gayonpaman, ang mahalaga ay naiparamdam mo ang saya at aral na nakukuha sa larangan ng pag-akyat.

    Mabuhay ka, Sir Chito!

Comments?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s