Para maiba naman, magta-Tagalog ako dito sa Mt. Iglit series dahil ilang beses ko nang iniisip kung paano ko ikukwento ito …at ang pakiramdam ko, parang walang dating yung lahat ng pinagdaanan ko sa putaragis napakahirap na bundok na ito kung magi-English ako. Oo nga pala, lahat ng litrato dito ay hindi sa akin. Puro video ang kinunan ko dahil mas madaling ilabas yung BlackBerry nung araw na iyon. Yung DSLR kasi masyadong mabusisi.
(Note: If you’re a non-Tagalog speaker who wishes to understand what I’ve written here, I highly advise against using Google Translate. You’d only come up with hilarious gibberish if you try to translate, say, the previous paragraph. See for yourself. You’re better off having an actual Tagalog speaker with you.)
UMAGANG KAY INIT
Bagamat nauna kong kinwento yung Sitio Tamisan Outreach, yung mismong simula ng pag-akyat ng Mt. Iglit ay noong pagpasok na pagpasok pa lang namin sa Mts. Iglit-Baco National Park. Kumbaga, parang stopover lang namin yung outreach. Gaya ng nabanggit ko sa naunang entry, nasa loob mismo ng national park yung Sitio Tamisan. Yung mismong lugar nila ay mabundok at malapit na sa gubat. Halos wala ka nang makikitang patag.
Yung daan mula sa pasukan ng national park papunta sa Sitio Tamisan ay siya na mismong bahagi ng trail na pinaka-madaling tahakin papunta sa Mt. Iglit. Pero hindi ibig sabihin na madali siya. Siguro yung mga sanay na sa akyatan ay wala lang sa kanila ito. Pero sa amin na hind gaanong sanay, hiningal rin kami nun.
Sa simula, patag lang talaga yung daan…
Pero ang init! Tag-araw kasi noong panahong yun.
Kailangan balot ka ng proteksyon laban sa araw dahil talagang masusunog ka kung wala.
At di-kalaunan, and dating tuwid na daan (P-Noy) ay naging baku-bako at medyo bumaba (Peping), at naging pataas, at maya-maya’s hindi mo na maintindihan (Kris) …
Ngayon, ayoko nang ulitin yung mga kinuwento ko sa naunang entry. Basta, nung umabot na kami sa tulay, yun na ang simula ng Sitio Tamisan. At yun na rin ang katapusan ng maliligayang sandali namin.
ANG MASUKAL NA BAHAGI
Fast forward. Tapos na kami kumain ng tanghalian at magpahinga. Mga 1pm o 2pm na nung umalis kami ng Sito Tamisan para magpatuloy na papuntang DENR Station 2 kung saan magpapalipas kami ng gabi bago akyatin ang tuktok ng Mt. Iglit kinabukasan. Halos hindi pa natutunaw yung kinakain namin, pero kailangan nang umalis dahil mahirap maabutan ng dilim sa trail.
Pagkalabas na pagkalabas pa lang namin ng Sitio Tamisan, kapansin-pansing mas masukal na ang kapaligiran. Mas marami nang puno at matataas na ang damo. Bagamat maraming lugar na malilim, hindi rin naman mahangin kaya nakaka-hingal pa rin. At dahil sa nasa mismong bundok na kami, taas-baba na rin ang trail. Pero may makikita pa namang mga patag na lugar na sa tingin ko ay sinasaka ng mga Mangyan. Gaya ng mga ito:
Di nagtagal, pakonti na ng pakonti ang mga patag na lugar, hanggang nasa mismong gubat na kami tumatahak. Mas matarik na ang dinadaanan at kailngan nang mag-ingat para hindi madulas at makaiwas sa sakuna… lalo na’t merong mga malalalim na bahagi na dalawang maliit na piraso lang ng kahoy ang nagtutulay (at wala man lang hawakan!) Salamat sa Diyos at hindi naman ako nadulas o nahulog sa mga mapanganib na tulay gaya nito. (Sa totoo lang, kinabukasan pa ako madudulas, matitisod at matutumba…pero sa sunod na entry ko na ikukwento iyon.)
Medyo kinabahan kami nung nasa isang matarik na bahagi kami at nadulas si Dario. Bumagsak siya sa isang mabatong lugar na una ang pwet. Buti naman ay walang bali o sugat na nangyari sa kanya. Siya pa naman yung may dala ng karamihan ng pagkain namin.
Dahil nasa teritoryo kami ng mga Mangyan, maya’t maya’y may mga nakakasalubong kaming mga Mangyan na siguro’y natatawa sa amin dahil hirap na hirap kami sa pamumundok. Sila kasi naka-paa lang at ‘di hamak na mas mabibigat ang mga dinadala kaysa sa amin. Mani-mani lang ito para sa kanila.
Sa kalagitnaan ng trail papunta sa DENR Station 2, hindi na namin matukoy kung saan at alin ang Mt. Iglit. Kahit saan kasi kami lumingon ay merong bundok at mukha rin silang mataas. At nagsasawa rin kaming tanungin yung mga guide namin dahil iisa lang naman ang sagot nila, “malapit na yun”. Ang sasarap batukan. (Biro lang.)
PAGTAWID SA MGA MABABATONG ILOG

Bigboy Allan balancing himself on the stepping stones as Slimgirl Debby looks on. (photo courtesy of Jet Reyes)
Sa bilang ko, mga tatlong ilog ang tinawid namin papunta sa Station 2. Mababaw lang yung mga ilog at napakadaling tawirin kung naka-paa ka lang o tsinelas. Pero dahil naka-sapatos at medyas pa kami, napaka-importante na huwag mabasa ang mga paa namin. Naging mabagal na proseso ito dahil kailangan mag-ingat at mag-balanse.
Mabibigat ang dala namin kung kaya’t may posibilidad na isang maling galaw lang namin ay babagsak kami sa tubig (na siyang nangyari kay Karen nung nabali ang tukod niya habang siya ay tumatawid.) Isa pang dahilan kung bakit medyo nagtagal kami sa mga pagtatawid na ito ay dahil bukod sa nagpapahinga kami, mahilig din kami magpicture-picture.
Ganito yan eh, UNA, darating kami sa ilog…
TAPOS, bago tumawid, magpo-posing para sa camera…
TAPOS, habang tumatawid, magpo-posing din…

Note: Des and I didn’t know each other yet when this photo was taken. This explains the huge, river-sized gap between us. (photo courtesy of Jet Reyes)
AT siyempre, pagdating sa kabilang dulo ay posing pa rin…
O, kitams? Ang saya di ba?
Stream Crossing, Mts. Iglit-Baco National Park from Liquid Druid on Vimeo.
HULING TULAK PAPUNTANG STATION 2
Pagkatapos ng tatlong ilog, naging mas madalas na ang paghinto at pag-pahinga namin. Parusa na kasi sa paa, binti at hita yung pinagdaanan namin. Hindi pa naman kami nauubusan ng tubig kaya malakas pa loob namin huminto ng paulit-ulit. Salamat naman at yung mga guide namin ay mababait at hindi sila kumontra nung pinabuhat namin yung ibang gamit namin. Ako, kinapalan ko na mukha ko at pinabuhat ko yung isa kong bag na may lamang DSLR saka mga talong.
May ilang mga pagkakataon na nagsimulang umambon at nabalot ng madidilim na ulap yung kalangitan, pero buti naman at hindi tuluyang umulan. Gayunpaman, nabasa pa rin ang lupa kung kaya’t ang ilang bahagi ng trail ay naging madulas at mas mahirap tahakin.
Iba-iba ang ginagawa namin habang nagpapahinga. Merong mga tumatambay lang…
Yung iba, gaya ko, naghahanap ng cellphone signal…
At yung iba, ginagawa ito (kung anuman ito)…
Meron pala kaming pang-apat na ilog na tinawid bago namin maabot ang Station 2. Napakalapit na nito pero dahil sa hindi namin naintindihan yung sinabi ng nauna sa amin, akala namin ni Fred ay “forty five minutes” pa, yun pala “4 to 5 minutes” na lang. Ayun, nasabi namin sa mga nagsu-sweep yung maling impormasyon. Buti na lang mas maraming minuto yung pagkakamali, kaysa yung mas konti.
Dapithapon na nung marating namin ang Station 2. Nagpapahinga na yung mga nauna sa amin, at yung iba pa nga ay nakaligo na. Ako, ganito ang ginawa ko pagkarating: (1) nilapag ko lang ang backpack ko; (2) uminom ng maraming tubig; (3) naghubad ng pang-itaas na damit, (4) nagtimpla ng mainit na kape; at (5) kumain ng mansanas habang iniinom yung kape. Pagkatapos nun, siguro mga isang oras akong nakatunganga lang dahil sa pagod. Kahit nung madilim na at kinakagat na ako ng mga lamok, hindi pa rin ako nagbibihis.
Habang nakatunganga ako doon, nagluluto na sila Dario at yung iba naman ay naliligo na. Ako na yung pinakahuling naligo (habang naghahapunan silang lahat), kaya’t nagtabi si Aleli para sa akin para naman may makain ako. (Thank you!) Sinigang na baboy yata yung hapunan nung gabing yun. Naalala ko kasi na may mainit na sabaw pa akong hinigop.
Wala kaming problema sa tubig. Malinis at sagana ang tubig-bundok doon sa Station 2. Kaya naman nakaligo na kami, nakapag-sepilyo, at nakapaghugas pa kami ng mga kinainan namin.
Pagkatapos ng hapunan, may mga nagku-kwentuhan pa, pero maya-maya, isa-isa nang nagtayo ng tent ang mga tao. Yung iba naman ay pumwesto doon sa isang kwarto ng station na may mga kama.
Doon ako pumwesto sa lugar na may bubong, katabi ng mga tent nila Bert, Romwel, Jeff at Allan. Hinarap ko sa labas yung tent ko para kung kailangan kong juminggel sa kalaliman ng gabi, madali lang akong makakalabas. Naalala kong matigas yung sahig, kahit na may Earth pad ako, hindi komportable. Gayunpaman, nakatulog din ako.
Abangan: Penitencia sa Viernes Santo.
= = = = = = = = = = = = = = = = = = = =
This entry is part of the Holy Week 2012 series dated April 5-8, 2012:
1. Preview: The Trail to Mt. Iglit
2. Holy Week 2012: Prologue
3. Holy Week 2012: Sitio Tamisan Outreach
4. Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (unang yugto)
5. Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (ikalawang yugto)
6. Holy Week 2012: Penitencia sa Mt. Iglit (huling yugto)
7. Holy Week 2012: Apo Reef (Day 1)
8. Holy Week 2012: Apo Reef (Day 2) and Pandan Island

























